Make your own free website on Tripod.com

The real score between Jericho Rosales and Kristine Hermosa
by Oghie Ignacio, Super Teen, Nov 28

Kung ibabalik ni Jericho Rosales ang panahong una silang nagkita at nagkakilala ni Kristine Hermosa ay talagang hindi niya iisiping magkakaroon ng special bonding sa kanilang dalawa na katulad ng mga nangyayari sa kasalukuyan.

"Actually, parang hindi ko siya feel before," bungad sa amin ni Echo kamakailan lamang bago umalis ang grupo nilang Hunks patungong Los Angeles California for a series of shows.

"Kasi nga nu'ng una kong ma-meet si Tintin eh, ano... parang pakiramdam ko ay hindi kami magkakaroon ng bonding. Parang ano, eh... masyado siyang bata at baka hindi kami magkaintindihan dahil pakiramdam ko, eh, napaka-immature niya," kuwento pa ni Echo.

Sweet sixteen pa lang kasi ang magandang leading lady ni Echo na si Kristine nga nu'ng magkasama sila sa "Munting Paraiso" ng ABS-CBN Channel 2 at nasa twenty naman ang edad ng una. Kumbaga'y parang mahirap nga namang mangapa kung malayo at hindi nagkakalapit ang edad ng isang lalaki at babae, 'di ba?

Karagdagan pang isyu 'yung pagkakalapit ng loob nila sa iba. Like si Kristine ay na identified kay Marvin Agustin samantalang si Echo naman ay very open sa naging special friendship nila ni Angelika dela Cruz.

Kaya kung aanalisahin ay sino nga ba ang makapagsasabing magki-click ang tambalan nina Echo at Tintin sa manonood ng "Pangako Sa 'Yo" na itinuturing naman ng kanilang mga taga-subaybay na sila'y hindi lang magka-loveteam kundi totoong may relasyon na nga sa isa't isa.

"Mabilis nga ang mga pangyayari. Kahit kami mismo ni Tintin eh, parang ano... dati nga kasi parang hindi namin type ang bawat isa.

"Pag nagkakasama kami noon, ang iniisip lang namin, trabaho lang ang lahat. Hanggang sa ano... hindi namin namamalayang lumalalim na nga ang aming samahan.

"Nadidebelop nang husto ang friendship until maging very special 'yon. At du'n nag-start 'yung mas magandang samahan naming dalawa. So, maganda rin yung ano... sa una, eh... parang hindi namin feel pareho ang bawat isa.

"Mas nakapag-isip-isip kami. Du'n nagsimula 'yung feeling na ano... bakit nga ba hindi namin subukan maging magkaibigan. 'Yung buksan namin ang pintuan para sa magandang samahan," tuluy-tuloy na tsika pa rin ng kayumangging aktor.

Nagbunga naman ang magandang pagkakaibigan nilang dalawa. Humantong sa mas espesyal na pakikitungo sa isa't-isa. Pero hanggang ngayon ay tila wala ni isa man kina Echo at Tintin ang nagsasabing sila na. Lalo na't may mga priority silang mas dapat na bigyan ng pansin.

"Naiintindihan ko naman palagi ang priorities niya, eh," sagot agad ni Echo. "Kasi meron din naman akong priority sa buhay. Like my career at ang pamilya namin," aniya pa.

"Nakakatuwa lang na malaman na 'yung iba. Lalo na ang nakatutok sa soap opera naming 'Pangako Sa Yo', eh nag-iisip na kami na nga ni Tintin, kahit hindi pa talaga.

"Although lagi kong ngang sinasabi na very special sa akin ang babaeng 'yon. Pero mahirap pa rin talgang magsalita. At hindi pa rin tayo sure kung ano ang mga mangyayari sa mga susunod na araw, 'di ba?," paliwanag pa rin ni Echo.

Makuntento na nga naman daw ang mga tao sa pagpapakilig nilang dalawa sa nabanggit na drama show ng ABS-CBN 2. Dahil natural na natural naman ang ipinakikita nilang loveness ika nga.

Umiba kami ng topic na pinag-uusapan ni Echo. Nagka-interes kaming itanong sa aktor kung ano ba ang isang bagay na kintatatakutan niyang mangyari sa kanyang buhay na hindi niya talaga matatangap kung sakali.

"Siguro ano...kahit sino ay maga-agree sa sasabihin ko. Ang kinatatakutan ko talagang mangyari sa akin, eh, 'yung mawalan ako ng mata o mabulag," diretsong sabi pa niya sa amin.

"Kasi, marami pa 'kong bagay na gustong makita sa mundo. Marami pa 'kong gustong magawa. So, 'yun ang malaking phobia ko talaga. Sino ba naman ang hindi matatakot once na mawalan ka ng paningin, 'di ba?

"That's why sometimes 'pag nag-i-scuba diving ako at nandu'n ako sa ilalim ng tubing, nararamdaman ko at lumalabas ang fear kong 'yon. Kaya nga lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil magaganda ang blessings na ibinibigay Niya sa akin," aniya pa.

Ano naman kaya ang tini-treasure ni Echo'ng bagay sa buhay niya na talagang hanggang ngayon ay ini-ingat-ingatan niya.

"Actually, kung may tini-treasure man ako ngayon, hindi naman siya material na bagay. What I value most is my career and my craft as an actor," pagtatapos pa ng isa sa mga bidang lalakin ng obrang "Trip" under Star Cinema na ipinalalabas na ngayon sa malalaking sinehan sa buong kapuluan.

 

 

Disclaimer: The fan site is very unofficial. The author is not connected in any way with jericho rosales
and kristine hermosa. They don't know who I am and I have never met them in person.
If there is any material here that you think should'nt be here, please inform
me and i will remove it asap. Thanks for visiting.
My email is piper0880@yahoo.com